Monday, May 17, 2010

Bakit masakit magmahal?

Sadya bang nilikha ang pagibig para magpaligaya at kumumpleto sa buhay ng tao? o para magdulot ng sakit na pilit nagdadalang bigat sa puso ng nagmamahal?

Dumaan sa aking buhay ang panahong isinang-tabi ko ang aking mga kaibigan na pinagkautangan ko kung sino man ako ngayon. Kung hindi dahil sa kanila siguro ay hindi mahuhubog ang aking pagkatao. Binigyang kulay nila ang aking buhay na minsan ng kumupas dahil sa mga pagsubok kong pinagdaanan. Totoo kayang ang sobrang pagmamahal ay masama? Sabi nga ng marami na ang lahat ng sobra ay nakasasama. Sabi din ng ilan na sa pagmamahal huwag nating ibigay ang lahat kundi magtira tayo para sa ating mga sarili dahil baka sa huli ay wala na tayong makakapitan kundi ang ating mga sarili din. Pero ano bang masama kung sobrang minahal mo ang isang tao? Ano bang ibig sabihin ng selfless love? Kung gayo'y wala talagang masama kung mamahalin mo ng sobra-sobra ang isang tao. Nasa sa atin kasi kung tayo ay papadaig sa ating mga damdamin. Nariyan ang ating mga kaibigan na maaari nating sandalan. Nagmamahal din sila sayo at handang dumamay sa kahit ano mang oras ang dumating. Ngunit bakit nga ba masakit magmahal?

Nagiging masakit ang pagmamahal kung ang pananaw mo ay tulad nito: 'gagawin ko ang lahat para sa kanya'. Hindi ba dapat ang sinasabi mo ay: 'gagawin ko ang lahat para sa aming dalawa'. Maihahalintulad natin ito sa upuan. Sabihin natin na ang bawat isa sa inyo ay kumakatawan sa sa dalawang pares ng paa nito. Kung isang pares lang ang tatayo at hahalili sa isa pang pares imposibleng makatayo ang upuang iyon. Hindi magiging matagumpay ang isang relasyon kung walang pagkakaisa sa inyong dalawa. Masakit magmahal dahil napakaraming sakripisyo ang dapat nating isaalang-alang. Hindi mo matatawag na pagmamahal ang nararamdaman mo kung hindi ka nasasaktan. Dahil ang tunay na nagmamahal ay nasasaktan, atin lamang imulat ang ating mga mata at diwa na sa bawat hagupit ng sakit na iyon ay katumbas ang pwersang lalo pang magpapatibay sa dalawang taong nagmamahalan. Huwag tayong matakot magmahal bagkos lalo pa tayong magmahal dahil nagiging daan ito upang tayo ay maging mabuting tao at ito rin ay nagbibigay lakas sa atin upang lampasan ang bawat pagsubok sa ating buhay.

1 comment: